‘Tay, Nabitawan Mo Ako
Magkasama tayo noon at hawak Mo ako
Sa malalim na ilog ay tatawid tayo
“Magtiwala ka anak… Ako’ng bahala sa’yo”
Sa sinabi Mong ito, ako’y kalmado
Habang tumatagal, lumalamig ang tubig
Lumalakas ang agos, lalong lumalalim
Di ko maiwasang kumabog ang dibdib
Nangamba ako’t nagdalawang-isip
“Huwag kang bibitaw, huwag kang lilingon“
“’Tay, natatakot ako“, agad kong tugon
“Magtiwala ka anak… Ako’ng bahala sa’yo”
Sa pagkakataong ito, nagduda ako
Bumuhos ang tubig at ako’y nahagip
Inanod ako’t lumubog pailalim
Lumangoy Ka at ako’y sinagip
Ngunit malayo na ako’t di makabalik
“Nabitawan Mo ako, kaya ngayon ay ito…
Sa marururming basura ay napasama ako”
Ang mga kamalasa’y isinisi sa Iyo
“Huwag kang bibitaw”, muli ang paalala mo.
Posted via Blogaway
No comments:
Post a Comment
Banat na!