Isang kuwadernong ubod sabik
Na mamantyahan ng paninta
Ang nanatiling dalisay sa puti
Dahil ang maninitik ay pinagdadamutan
Ng ideyang mailap, nakapananabik
Kanina pa balisa sa kamumuni
Ng mga letrang ikukorte sa pahina
Subalit isang salita lang sana
Ay hirap pang ikatha.
Ang pagnanais umakda ng likhang literetura
Ay sanhi pa yata ng biglaang pagkabura
Ng ipong talasalitaan sa pumurol na memorya
Isip. Isip. Sulat.
Kung ganito lang kadali ang hulma
Upang talinhagain ang mga linya ng isang tula
Hindi na sana ganoon kaantala ang sinapit
Ng pagbubuklod nitong mga titik ng mga taludtod.
Pinipilit namang subukan pero talagang wala…
Blangko din ang utak tulad ng putting pahina.
Makabubuti malamang na ilapag na ang pluma.
No comments:
Post a Comment
Banat na!